Hubog at Desenyo: Pagsilip sa Tahanang Pilipino Noon at Ngayon
Sinasabi na ang kasaysayan at kultura ng bansa ang humuhubog sa lipunan at arkitektura nito, partikular sa kabahayan o tahanan ng bawat tao na patuloy na lumalago sa pagdaan ng panahon. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nagtataglay ng yaman sa iba’t ibang kultura na lalong lumawak dahil na rin sa pagkakasakop ng ibang mga bansa at nagdulot ito ng impluwensya sa mga natatanging aspeto. Ang arkitekturang Pilipino ay resulta ng pinagsanib na husay ng mga Pilipino at siya ring pag-angkop nito sa mga impluwensiya ng sarili at iba’t ibang mga kultura ayon sa kanilang pangangailangan at lokasyon.
Ang bahay kubo ay isa sa mga itinuturing na sinaunang kabahayan sa Pilipinas. Gawa sa kawayan ang mga haligi o poste nito, ang dingding at bubong ay gawa naman sa pawid na masinsin ang pakakalatag upang hindi pasukin ng tubig sa panahon ng tag-ulan. May iba pang sinaunang kabahayan na nakabatay ang katawagan, materyales at hugis o itsura ng bubong sa lugar o probinsya kung saan ito matatagpuan. Ilan sa mga ito ay ang bahay ng mga Badjao, Ifugao, Ivatan, ang Torogan at marami pang iba. Maituturing din na pinakasimpleng uri ng kabahayan ang bahay kubo dahil nagsilbi ito na tulugan at taguan ng mga kagamitan ng mga sinaunang Pilipino.
(Bahay Kubo, pictures from wikipedia)
Sa pagdating ng mga mananakop, unti-unti ring nagbago ang itsura ng kabahayan sa Pilipinas. Nagsimula sa panahon ng mga Kastila ang pag-usbong ng mga tinatawag na Bahay na Bato. Ito ay binubuo ng dalawang palapag, ang unang palapag ay gawa sa bato at ang ikalawang palapag ay gawa sa kahoy. Ang bubong naman nito ay gawa sa hinulmang putik. May mga ilan pang natitirang Bahay na Bato na makikita sa Maynila, at ibang probinsya tulad sa Vigan, Cebu at Bacolod. Maliban sa pagiging tulugan at taguan ng mga kagamitan, nadagdagan na din ng iba pang bahagi ang kabahayan at ilan sa mga ito ay ang bulwagan na nagsilbing tanggapan ng mga panauhin, palikuran, at balkonahe.
(Bahay na bato, Bacolod walk-about Sept.2015)
Pagpasok ng mga Amerikano sa Pilipinas ay siyang pagsibol naman ng modernong disenyo. Naidagdag ang paggamit ng bakal, yero, salamin at makabagong teknolihiya sa pagbuo ng kabahayan. Sa panahon ding ito nagsimula ang iba’t-ibang klase ng kabahayan na ang tawag ay depende sa laki at kung ilang palapag ito gaya ng bungalow, townhouse, apartment. Nariyan din ang kabahayan na ang tawag ay hango sa istilo o disenyo gaya ng Italian-style, Victorian-style at ilan sa mga halimbawa nito ay makikita sa mga subdibisyon sa Maynila.
(American house in the Philippines, pictures from wikipedia)
Sa pangkasalukuyan, maraming umuusbong na disenyo at paraan ng pagbuo ng kabahayan gaya ng paggamit ng “container vans” na siyang nagiging papular sa ngayon. Andyan din ang patuloy na pag-angkop ng arkitekturang Pilipino sa makabago at modernong pagdidisenyo at paghalo sa simpleng inspirasyon ng Bahay kubo at paggamit ng lokal na materyales na nagnanais maibahagi na ang kabahayang Pilipino ay hindi lamang isang istraktura kundi isang Tahanan na nagpapakita ng pagpapahalaga hindi lamang sa pamilya kundi pati na rin sa kapwa na isa sa pinagmamalaking kulturang Pilipino.
(Modern Bahay Kubo, Palawan trip July 2022)